Ni Malbert
Dalida, News Director, YES FM Boracay
May napulot ka bang
bagay na hindi sa’yo?
Kung ganoon, mas makabubuting isauli mo ito ng maluwag sa
puso.
Kung hindi, baka karmahin ka at ika’y makalaboso.
Ito ang sinapit ng diyes y otso at bente uno anyos na maglive
in partner, matapos matimbog ng mga pulis Boracay sa isang entrapment operation
kahapon ng hapon.
Ang siste, humingi umano ng trenta mil pisos ang lalaking suspek
sa biktima, na isang general manager ng isang resort sa isla, kapalit ng
kanyang iPhone.
Nabatid na bandang alas dos din kahapon ng hapon ay
nagparekord sa Boracay PNP ang biktima tungkol sa kanyang nawawalang gadget.
Nawala umano ang kanyang iPhone nitong nagdaang Linggo ng
madaling araw, nang pumasok ito sa isang disco bar.
Mabilis namang nagsagawa ng entrapment operation ang mga
otoridad, nang bumalik at muling magsumbong ang biktima sa himpilan ng pulis.
Sa nasabing pagkakataon, itinimbre ng biktima na may lumapit
umano sa kanyang lalaki at humingi ng naturang halaga ng pera.
Sa nasabing operasyon ay tinanggap ng maglive in partner ang
pera sa mismong opisina ng pinagtatrabahuang resort ng biktima.
Kaagad namang inaresto ang mga suspek at kasalukuyang nasa
kostodiya ng Boracay PNP, para sa karampatang disposisyon.
Sa tinutuluyang boarding house naman ng mga suspek narekober
ang Iphone ng nasabing manager.
No comments:
Post a Comment