Posted September 26, 2014
Ni Alan Palma Sr., YES FM Boracay
Umuusad na ang Used Water Network Project ng BIWC sa
Barangay Manoc-manoc kung saan dito rin magkakaroon ng panibagong STP o Sewage
Treatment Plant.
Ang proyektong ito na nagkakahalaga ng P298 Million ay
inumpisahan noong nakaraang buwan ng Pebrero at inaasahang matatapos sa loob ng
tatlong taon.
Nag-umpisa ang operasyon ng contractor na Anden
Construction sa Sitio Tulubhan at Sitio Bantud at kasalukuyang nasa 10% pa
lamang ang nalatagan ng linya sa kabuuang area ng Barangay Manoc-manoc.
Layunin ng proyekto na ang lahat ng maruming tubig mula
sa mga kabahayan at establisyemento ng nasabing barangay ay direktang mapupunta
sa STP para sa gagawing treatment bago ito ibalik sa dagat.
Bagamat may mga nangangamba sa posibleng epekto nito sa
baybayin ng Boracay, tiniyak naman ng BIWC na sinusunod nila ang pinakamataas
na pamantayan ng DENR kasama na ang pagkuha ng lahat ng permit lalo na ng
Environmental Compliance Certificate.
Ang water sampling ay regular din umano nilang
isinasagawa para malaman kung ligtas at pumasa ito ayon sa pamantayan bago
ibalik sa dagat.
Ang Sewage Treatment Plant o STP ay isang mahalagang
pasilidad para mapangalagaan ang kapaligiran lalo na sa pagdami ng mga
naninirahan sa isla at lumulubong dami ng turista na nagbabakasyon taun-taon.
No comments:
Post a Comment