Posted January 29, 2015
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay
Nairita sa extended power interruption ng NGCP o National
Grid Corporation of the Philippines ang mga kunsumedor ng AKELCO.
Inabot kasi ng pasado alas 8:00 kagabi ang hanggang
alas 5:00 ng hapon lang dapat na power advisory ng AKELCO o Aklan Electric
Cooperative kung saan apektado ang buong munisipalidad ng Malay kasama ang isla
ng Boracay, munisipalidad ng Nabas, at Buruanga.
Lalo pang nairita at uminit ang ulo ng publiko
dahil sa wala umanong sumasagot sa telepono ng Boracay Substation ng AKELCO sa
kung anong oras babalik ang suplay ng kuryente.
Dahil dito, sinabi ni AKELCO Assistant General
Manager for Engineering Engr. Joel Martinez sa kanyang text message sa
himpilang ito na nag-extend pala ang NGCP ng kanilang operasyon nang hanggang
pasado alas 7:00 ng gabi.
Napilitan tuloy na bumili ng krudo para sa kanilang
generator ang ilang resort sa Boracay dahil sa hindi inaasahang schedule ng
power interruption.
Apektado rin maging ang ilang boarding house sa
isla dahil sa kawalan ng suplay ng tubig dahil din sa power advisory maging ang
ilang laundry services at klinika.
Nabatid na naglabas ng power advisory kahapon ang
AKELCO upang bigyang daan ang Petro Wind Energy Plant sa Nabas, Aklan subali’t
hindi nila nasunod ang oras ng advisory.
No comments:
Post a Comment