YES THE BEST 911 BORACAY

Tuesday, November 18, 2014

Cockfighting breeder sa Aklan, huli sa buy bust operation ng mga pulis

Posted November 18, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Tangka pa sanang tumakas ng isang cockfighting breeder sakay ang isang motorsiklo sa Aklan, subalit nahuli parin ng mga pulis.

Ito’y matapos na isinagawa ang isang buy bust operation sa pinagtatrabahuhan nitong sabungan sa Sitio Dumlog, Tambak, New Washington, Aklan.

Ayon sa Kalibo PNP, nahuli ang suspek na si Eric Flaviano Reyes, 50 anyos sa pamamagitan ng isang police asset na bumili sa kanya ng Shabu sa halagang isang libong piso.

Nang arestuhin na umano sana sya ng mga operatiba ay biglang lumabas ng arena si Reyes at umangkas sa isang motorsiklo.

Hindi naman inakala ng nagpasakay nitong kaibigan na si “Irvene” na hinahabol pala ng mga pulis si Reyes.

Ang sinabi umano kasi sa kanya ni Reyes ay sinangla nito ang kanyang motorsiklo sa sabungan kaya magpapahatid na lamang sya sa kanilang bahay sa Estancia Kalibo Aklan.

Naabutan naman ng mga operatiba ang suspek sa Catleya Street sa Capitol Site Kalibo, kung saan natumba ang kanilang sinasakyang motorsiklo.

Samantala, nang isagawa naman ang pagsisiyasat sa bahay nito sa Estancia Kalibo Aklan sa bisa ng search warrant ay saka nakuha ang sampung sahet ng pinaniniwalaang Shabu, mga resibo ng money remittance centers, cellphone na naglalaman ng mga transaksyon sa illegal na droga at ilan pang mga drug paraphernalia.

Nahaharap naman ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 si Reyes.

No comments:

Post a Comment