Ni Alan Palma, YES FM Boracay
Sobrang pasasalamat ang naging tugon ni Punong Barangay
Pablo Claud ng Barangay Nabaoy dito sa bayan ng Malay ng muli silang
nakatanggap ng donasyon mula sa Manila Water Foundation.
Sa ginanap na turnover ceremony ng patubig sa barangay
project ng BIWC o Boracay Island Water Company , ipinagkalooban ang barangay
Nabaoy ng tatlung-daang libong piso.
Ang pera na ito ay maaring gamitin ng mga taga doon para
ibili ng metro ng tubig kung saan sila na mismo ang mamamahala at kung anong
proseso ang kanilang gagawin para mapakinabangan ng kanilang barangay.
Noong Nobyembre ng nakaraang taon,naging benipesyaryo din
ang Samahan ng Maliliit na Magniniyog at Nangangalaga ng Kagubatan ng Nabaoy
Multi-purpose cooperative o SAMAKANA ng halagang dalawang-daang libong piso.
Personal na iniabot ni Carla May Kim ,Executive Director
ng Manila Water Foundation at ni Ben Manosca ng BIWC ang donasyon kasama ang
ilang lokal na opisyal ng bayan ng Malay at probinsya ng Aklan.
Ang barangay Nabaoy ay ang tanging pinagkukunan ng suplay
ng tubig ng bayan Malay at isla ng Boracay.
No comments:
Post a Comment