YES THE BEST 911 BORACAY

Wednesday, March 04, 2015

Korean National, nailigtas mula sa pagkalunod sa Puka Beach

Posted March 4, 2015
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Photo by Globososo.com
Isang Korean National ang nailigtas mula sa pagkalunod sa Puka Beach kagabi.

Nakilala sa police report ng Boracay PNP ang babaeng biktima na si Kim Min Jung, 38 anyos, at tumutuloy sa apartment ng kanyang kaibigang tour guide na si Lisa Yo.

Base sa report ng Boracay PNP, inupahan ng magkaibigang Kim at Lisa ang isang tricycle na minamaneho ni Rocky Joy Bartolo upang pumunta sa Puka Beach sa Barangay Yapak.

Kaagad umanong naligo ang biktima pagdating sa Puka Beach.

Ilang sandali pa, napansin na lamang ni Lisa na lumulutang ang kanyang kaibigan sa tubig mga lima hanggang anim na metro ang layo sa dalampasigan.

Kaagad sumigaw at nakahingi ng tulong si Lisa sa driver ng tricycle na si Rocky, at sa dalawang mangingisdang malapit sa lugar.

Pinagtulungan nila itong bigyan ng CPR o Cardiopulmonary resuscitation at isinugod muna sa ospital sa Boracay bago inilipat sa isang pagamutan sa bayan ng Kalibo.

Samantala, tinitingnan ding rason ng pagkalunod ng biktima ang kantiladong bahagi ng Puka Beach, maliban sa lasing na pala ito galing sa isang bar sa Barangay Balabag bago pumunta ng Puka Beach.

No comments:

Post a Comment