YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, January 09, 2015

Estonian national at kasamang bading, kalaboso dahil sa pag-iskandalo sa isang bar sa Boracay

Posted January 9, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Kalaboso ang isang Estonian national at kasama nitong bading matapos na mag-iskandalo sa isang bar sa Boracay kaninang madaling araw.

Ayon sa blotter report ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC), nagsimula ang insidente nang inumin umano ng lasing na Estonian national na si Eduard Raats, 55 anyos ang mga inumin ng mga guest doon.

Nang-asar din umano ito ng ilang customer ng bar, kung kaya’t nilapitan na ito ng sekyu at pinayuhang lumabas.

Subalit sa halip na sumunod, nairita pa ang nasabing Estonian national at patuloy sa kanyang pangungulit.  

Nagreklamo din ang waitress ng nasabing bar nang sinubukan niya umano itong hipuan.

Nang paalis na, sinira pa ng suspek at kasama nitong bading ang pinto ng bar.

Nang arestuhin naman ng mga pulis ay hindi na halos makatayo ang mga ito matapos bumagsak sa kalsada dahil sa kalasingan.

Nang isailalim naman sa medical checkup sa ospital ay nagpatuloy parin umano ang dalawa sa pagwawala kung kaya’t nasira ang isang upuan ng pagamutan.

Samantala, sinampahan naman ng kasong Alarm and Scandal at Malicious Mischief ng Administrative Head ang dalawa.

No comments:

Post a Comment