Posted November 26, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay
Mainit na pinag-usapan sa Sangguniang Panlalawigan
(SP) Aklan ang liham na nagsusumbong hinggil sa polusyon di umano sa Sooc River
sa bayan ng Kalibo.
Sa ginanap na 41st SP Regular Session
kaninang umaga, tinalakay ang liham mula kay Kalibo Save The Mangroves
Association (KASAMA) Chairman Atty. Allen Quimpo.
Ayon kay Atty. Quimpo, ang nasabing liham ay
humihiling sa konseho ng SP Aklan na ipatupad na ang “closure order” ng DENR
tungkol sa open dump site na makikita sa Bakhaw Sur Kalibo.
Samantala, ipinaliwanag rin nito na nakasaad sa
Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act ang pagbabawal na
mag-operate pa ang isang dumpsite kapag nakakapekto na sa kalusugan ng
mamamayan.
Maliban dito, napatunayan na rin umano sa
isinagawang pagsusuri ng DENR na highly pollutant na ang nasabing dumpsite,
kung saan nakitaan na rin ito ng coliform bacteria.
Nabatid na matagal na ring naging isyu sa probinsya
ang mga basura sa nasabing dumpsite na di umano’y nagiging sanhi ng kontaminadong
tubig sa Sooc River, at nagdudulot na rin ng iba’t-ibang sakit sa mga naninirahan malapit sa lugar.
Kaugnay, nito nakatakda namang ipatawag sa isang
Committee Hearing ng mataas na konseho ang Aklan Environment and Natural
Resources Office (AKENRO) at Department of Environment and Natural Resources
(DENR) upang pag-usapan ang nasabing
isyu.
No comments:
Post a Comment