YES THE BEST 911 BORACAY

Thursday, November 27, 2014

Hinaing ng mga 4P’s Beneficiaries ng Poblacion, Malay, idudulog sa DSWD Regional Office

Posted November 27, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Patuloy na umaasa ang mga 4P’s Beneficiaries ng Poblacion, Malay na matatapos na ang kanilang problema tungkol sa hinihintay na cash grants.

Kaugnay nito, sinabi naman sa text message sa himpilang ito ni MSWD OIC Madel Dee Tayco na idudulog niya sa DSWD Regional Office ang hinaing ng mga nasabing Yolanda victims.

Si Tayco ang umupong officer in charge ng MSWD o Municipal Social Welfare Development matapos tanggalin ni Mayor John Yap sa kanyang puwesto si dating MSWD Head Magdalena Prado.

Samantala, magugunitang dumulog sa himpilang ito ang mga Typhoon Yolanda victims na mga pawang mga 4P’s o Pantawid Pamilyang Pilipino Program beneficiaries din matapos matuklasang tinanggal umano ang kanilang pangalan sa listahan ng mga makakatanggap ng cash grant.

Iginiit ng mga nagrereklamong pamilya na pinalitan ang kanilang mga pangalan sa listahang ibinigay ni Prado sa mga parent leaders na pinapapirmahan naman kay mismong Poblacion, Malay Barangay Captain Ric Calvario.

Kaugnay parin sa nasabing balita, nanatili pong bukas ang aming himpilan sa mga kinauukulan upang magbigay ng kanilang panig tungkol dito.

No comments:

Post a Comment