Posted November 2, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay
Umuwing bigong makaboto sa 2016 election ang ilang
residente ng Malay na hindi nakahabol sa cut-off ng last registration ng
Commission on Election (COMELEC) nitong Sabado.
Ayon kay Malay Comelec Officer II Elma Cahilig, umaga
palang ay nag-cut off na sila matapos makapagbigay ng limang daang numero para
sa registration.
Marami umanong hindi na nakahabol na magparehistro kahit
na nagsimula ang kanilang registration ng alas-6 ng umaga at natapos naman ng
alas-8 ng gabi.
Nabatid na nagbigay ng 17 buwan ang Comelec para sa
biometrics registration sa buong bansa ngunit sa huling anim na araw ng
registration ay dinagsa ang mga opisina ng COMELEC ng mga botanteng maghahabol
na makaboto sa 2016 national and local elections.
Sa ngayon umano ay tinu-total pa nila kung ilan ang
kabuuang bilang ng mga botante para sa 2016 elections sa bayan ng Malay.
Samantala, pinoproseso na rin ngayon ng Comelec ang
paghahanda para sa local absentee voters na kinabibilangan ng mga election
officers, Pulis, Army at media na may malalaking papel sa halalan.
No comments:
Post a Comment