Posted
February 26, 2015
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay
Muli na namang naglitawan ang lumot sa dalampasigan ng Boracay.
Kasabay nito, nag‘trending’na naman sa mga turista ang nasabing
scenario partikular sa mga turistang 1st timer.
Ipinagtaka kasi ng mga ito ang presensya ng makakapal at madulas na
lumot sa dalampasigan ng station 1.
May mga mistulang naasiwa sa paglusong o maligo sa dagat, nguni’t may
mga kibit-balikat lamang at nag-i-enjoy pa ngang paglaruan ang lumot.
Katunayan, kahapon ng hapon, isang grupo ng mga pinaniniwalaang Korean
Tourists ang nagkatuwaang ilagay sa kani-kanilang mga ulo ang lumot at
nagpalitrato.
Hindi naman napigil ang ilang beach front establishments na tanggalin o
linisin ang mga lumot upang hindi madulas ang mga turistang dumadaan, bagay na
inalmahan ng ilang lokal na residente sa isla.
Ayon sa ilang nakapanayam na residente, natural lamang ang presensya ng
lumot at nawawala naman ito pagkalipas ng dalawa o tatlong buwan.
Iginiit din nila na ang nasabing lumot pa nga ang nagpapalinis at
nagpapaputi sa buhangin kung kaya’ mas makakabuti umanong hayaan na lamang ito
sa dalampasigan.
Nabatid naman na ipinag-utos ni dating Pangulong Gloria Arroyo na
tanggalin ang mga lumot noong iniistima nito sa Boracay ang bisitang Prime
Minister ng Papua New Guinea na si Michael Somare, taong 2009.
Samantala, nabatid na hindi naman ikinabahala ng karamihan sa mga
establisemyento at resort sa isla ang presensya ng mga lumot.
No comments:
Post a Comment