Posted November 5, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay
Hindi naging madali sa Sangguniang Bayan ng Malay na pumayag
agad sa proyekto ng isang kumpanya na nagnanais maging suplay ng kuryente ang
basura sa Boracay.
Ito’y dahil sa kailangan pa umano itong dumaan sa feasibility
study kahit na naipakita na sa kanila ng kumpanyang Orion Enterprise
International LLG-USA ang teknolohiyang gagamitin para sa nasabing proyekto.
Nabatid na sa isinagawang SB Session ng Malay kahapon ay
nagkaroon ng pagkakataon ang nasabing kumpanya na maipakita sa konseho ang
kanilang proyekto at kung paano ito pinapatakbo sa bansang Vietnam.
Bagamat nagustuhan naman ng konseho ang naging
presentasyon ng Orion, ngunit nagulat ang mga ito na kailangan pa pala ng 20
toneladang basura sa bawat pagtunaw bago maging suplay ng kuryente.
Napag-alaman na nasa loob ng isang araw ay hindi naman
umaabot sa 20 tonelada ang basura sa isla ng Boracay, kung kaya’t sinabi ni
El-Elyon-Orion Global Renewable Energy Resource Development Corp. President at
CEO Niel Agustin na maaaring humingi ng basura sa kalapit na bayan para dito.
Ngunit tila hindi parin ito pabor sa SB kung saan ang
nais nila ngayon ay dumaan muna ito sa feasibility study bago nila paboran ang
hiling ng nasabing kumpanya katulad ng lupang patatayuan nito at lalo na ang
perang gagamitin dito na ayon sa Orion ay sila ang sasagot.
No comments:
Post a Comment