YES THE BEST 911 BORACAY

Monday, January 12, 2015

Sampung munisipalidad sa Aklan, tampok sa festival parade sa Ati-Atihan 2015

Posted January 12, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Sampu sa 16 na bayan sa Aklan ang kasali sa festival parade at ground demonstration contest sa bayan ng Kalibo.

Bahagi ito ng prestihiyusong Ati-Atihan Festival 2015 ngayong Huwebes.

Ayon kay Provincial Tourism Officer Roselle Ruiz, bawat bayan umano ay kailangan magpakita ng native, unique at vibrant festival presentation upang maaliw ang mga manunuod at bisita.

Isa din umanong street dancing ang isasagawa sa mga pangunahing kalsadahin sa bayan ng Kalibo na inilaan ng mga organizing committee ng Ati-Atihan Festival.

Pagkatapos nito magkakaroon din umano ng ground demonstration sa Kalibo Pastrana Park ang mga kalahok na kinabibilangan ng mga kabataan at estudyante.

Nabatid na maglalaban-laban ang bayan ng Balete, Buruanga, Ibajay, Lezo, Madalag, Malay, Kalibo, Tangalan, Banga at Numancia para sa best in choreography, performance, endurance and execution, costume at props, musicality at visual impact.

Napag-alaman na ang bayan ng Malay ang siyang defending champion sa nasabing patimpalak kung saan nag-uwi rin ito ng ibat-ibang major awards noong nakaraang taong 2014.

No comments:

Post a Comment