YES THE BEST 911 BORACAY

Monday, March 10, 2014

Sinaksak na dispatcher ng CBTMPC, natagpuang patay sa kanilang terminal

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

May mga ebidensiya subali’t wala pang suspek.

Ito ang sinabi kagabi ni PO2 Jameo Mondia ng Malay PNP station kaugnay sa isang dispatcher ng Caticlan Boracay Transport Multi-purpose Cooperative (CBTMPC) na sinaksak at natagpuang patay sa kanila mismong terminal nitong madaling araw ng Sabado.

Kinilala ni PO2 Mondia ang biktimang si Dandy Teodosio, 37 anyos, tubong Cortes, Balete, Aklan at residente ng San Jose, Romblon.

Base umano sa kanilang imbistigasyon, nakipag-inuman pa ang biktima sa mga kasama niyang drayber bago ang insidente.

Subali’t natagpuan na lamang umano ito sa loob mismo ng kanilang terminal na duguan at may tatlong saksak sa kaliwang dibdib, nguni’t wala nang buhay.

Ayon pa kay PO2 Mondia, nagtataka umano sila kung bakit wala manlang nakapansin sa nasabing krimen, gayong hindi naman nawawalan ng tao sa 24-hour operation ng Caticlan Jetty Port, maliban pa sa mga drayber na naka-standby doon sa gabi.

Kaagad namang kinuha ng pamilya ng biktima ang kanyang bangkay at inuwi sa bayan ng Balete.


Samantala, patuloy pa umano ang imbistigasyon ng Malay PNP upang mabigyan ng katarungan ang biktima.

No comments:

Post a Comment