Ni Gloria Villas, YES FM Boracay
Kung dati ay nagkakaubusan, bumalik na umano ngayon
sa normal ang supply ng mga “noodles” at de-lata sa mga grocery stores at
supermarket sa Aklan.
Ito ang sinabi ni Department of Trade and Industry
(DTI) Aklan, Provincial Director Diosdado Cadena, Jr. makaraang manalasa ang
bagyong Yolanda sa probinsya.
Aniya, ang presyo rin ng mga nasabing bilihin ay
sumusunod na sa Suggested Retail Price (SRP) matapos na makuha ang Automatic
Price Ceiling noong Enero a-onse, kung saan unang ini-utos ng gobyerno.
Matatandaan na ang mga nasabing produkto ang
nangungunang mga pagkain na ipinamimigay sa mga naapektuhan ng mga nagdaang
bagyo bilang relief goods.
Samantala, tinututukan naman ngayon ng nasabing
ahensya ang presyo sa mga semento dahil nabatid na kaunti na lamang umano ang
supply nito ngayon sa Aklan.
Napag-alaman kasi sa kanilang isinagawang
pananaliksik na ang presyo ng semento ngayon sa probinsya ay nasa mahigit
dalawang daan hanggang tatlong daang piso lalo na sa isla ng Boracay.
Umapela naman si Cadena sa publiko na humingi ng
resibo sa mga pinagbibilhan ng mga nasabing produkto para magamit bilang
ebidensya laban sa mga negosyanteng nagtitinda sa hindi tamang presyo.
Nakatanggap na rin umano kasi ng kautusan ang DTI
Aklan sa kanilang Head Office na suriin ang presyo ng mga semento sa Aklan para
malaman ang sitwasyon.
No comments:
Post a Comment