Posted May 23, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay
Nabulabog kaninang mag-aalas dos ng hapon ang front
beach ng Station 1 Balabag Boracay dahil sa nangyaring sunog sa isang
restaurant doon.
Ayon kay Fire Officer 1 Rallie Lou Bisana ng Bureau
of Fire Protection Unit Boracay, tumagal ng mahigit 15 minuto ang sunog na agad
namang naapula.
Lumalabas sa kanilang inisyal na imbestigasyon na
nagsimula ang sunog sa kusina ng nasabing restaurant at tinitingnang anggulo
dito ang exhaustion o sobrang init.
Ayon naman sa ilang staff ng Gerry's Grill Boracay,
nagulat na lamang sila nang biglang may lumabas na usok mula sa exhaust ng kanilang
kusina.
Umakyat umano sila sa 2nd floor ng
kanilang restaurant kung saan nagmula ang makapal na usok na umabot pa sa 3rd
floor.
Kaagad din anya silang kumuha ng fire extinguisher
upang puksain ang apoy sabay tawag ng bombero.
Samantala, kaagad namang dumating ang mga taga Boracay
Fire Rescue Ambulance Volunteer (BFRAV), Bureau of Fire Protection Unit (BFPU)
Boracay, at iba pang rescue volunteers upang puksain ang apoy.
Bagama’t may mga kustomer pa doon sa 3rd
floor, nabatid na naging mapayapa namang nakalabas ang mga ito mula sa nasabing
restaurant.
Wala naman naitalang nasugatan dahil sa pangyayari.
No comments:
Post a Comment