Posted January 3, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay
Patuloy ngayon ang ginagawang pagpapaigting ng seguridad
ng Philippine Coastguard (PCG) sa Caticlan at Cagban Jetty Port.
Ito’y dahil sa tuloy-tuloy parin ang pagbuhos ng mga
turistang pumupunta sa Boracay at ang mga pabalik mula sa isla kasama na ang
mga pasahero ng roro vessel papuntang Roxas Mindoro at Batanggas.
Ayon naman kay Senior Chief Petty Officer Ronie Hiponia,
OIC Station Commander ng PCG Caticlan, wala umanong tigil ang pagsidatingan ng
mga pasahero sa mga nasabing pantalan dahilan para magkaroon sila ng dobleng
seguridad.
Sa ngayon umano ay normal na rin ang biyahe ng mga bangka
patawid at pabalik ng Boracay gayon din ang biyahe ng roro kumpara nitong mga
nakaraang araw na nagkaroon ng kanselasyon ng biyahe ng mga bangka dulot ng
sama ng panahon.
Sa kabilang banda sinabi ni Hiponia na bagamat nagkaroon
ng problema sa biyahe ng bangka at barko nitong mga huling araw ng buwan ng
Disyembre ay nagawan din umano nila ito ng solusyon para maiwasan ang aberya ng
mga pasahero.
Samantala, naging maayos naman umano ang kanilang
ginawang security forces sa dalawang pantalan sa kabila ng pagbuhos ng maraming
turista na nagdiwang ng kanilang bagong taon sa isla ng Boracay.
No comments:
Post a Comment