image from http://www.flickr.com/photos/turquoisetravelasia/4138186928/ |
Aminado ang Department of Tourism sa Boracay na maraming reklamo silang natatanggap hinggil sa mga komisyuner sa front beach.
Bagamat mga berbal na reklamo ito at hindi written, ayon kay
DOT Boracay Officer in-Charge Tim Ticar, hindi nila isinasawalang bahala ang
bagay gaya nito.
Maraming na umano silang natatanggap na reklamo mula sa mga
turista, kabilang dito ang pangha-harass sa mga naglalakad-lakad na mga bisita
sa beach at pang-iistorbo sa mga ito.
Ang masaklap pa umano dito, may mga nagrereklamo na rin sa
kanila tungkol sa umano ay hindi na nagpapakita ang ilan sa mga komisyuner matapos
makuha ang bayad mula sa mga turista makaraang makipagtransaksiyon para sa
iba’t ibang water sports activities.
Maliban dito, ang ibang reklamo din ay hindi kinukompleto ang
serbisyo sa kabila ng tamang bayad sa ilang komisyuner.
Ganoon pa man, nag-usap na rin umano sila ni Wilson Enriquez
ng Tourism Regulatory Enforcement Unit o TREU kaugnay dito at kung paanong
mabigyang solusyon ang problema.
Dahil dito, nasa plano na rin ng LGU Malay at kabilang sa
pinag-usapan nila na gawing “color coded” at de numero ang uniporme ng mga komisyuner
para malaman kung saan at kung anong establishemento ang mga ito nabibilang.
Dagdag pa ni Ticar, balak na umano ngayong ilagay na lamang
sa iisang lugar sa tatlong boat station ng Boracay ang mga ito.
Kung saan maglalagay ng kani-kanilang mesa ang bawat sea
sport operator para doon na lang makipagtransaksiyon na hindi na kailangan pang
pagala-gala ang mga ito sa beach line.
Pero nilinaw ng DOT Office na hindi aalisin ang mga ito sa
front beach, dahil bahagi na rin ng turismo ang iba’t ibang aktibidad sa
Boracay.
Layunin lamang aniya nito ay upang maging organisado na ang
lahat. #ecm112012
No comments:
Post a Comment