Dahil sa nagpapagamit sa malalaking sindikato, kaya ang mga “small time” na tulak-droga lamang ang kalimitang nahuhuli.
Ito ang sagot ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 6 sa tanong ng ilang mga drug pushers na nahuhuli sa mga buy-bust operasyon na ginagawa ng otoridad sa Boracay.
Pero ang katulad na tanong ay minsan na rin naging tanong ng ilang mga stakeholder sa isla at iba pang nagmamalasakit sa Boracay.
Ayon sa mga ito, may mga malalaki at kilalang indibidwal na nasa likod at sangkot din sa “market” ng illegal na drogang ito sa Boracay ngunit hindi man lang nahuhuli at nakukulong.
Bagay na aminado naman si Atty. Ronnie Delicana, PDEA Regional Director, kaugnay dito.
Subalit paliwanag nito, pipitsuging mga “pusher” lamang umano ang nahuhuli, dahil ang mga “big time” ay umiiwas nang humawak ng droga at pera, at hindi na rin lumalabas para magbenta pa.
Kaya itong mga maliliit na pusher lamang ang natitiklo sa mga operasyon dahil sila ang nagagamit sa transaksiyon.
Ganoon pa man, may mga aksiyon umano silang ginagawa, at ipapatupad nila ang batas kahit malaki o kilalang tao ang mga ito.
Pero kailangan pa rin talaga aniya ang sapat na ebidensiya.
Naniniwala naman ang PDEA 6 director na dahil sa walang panustos sa bisyo at wala na rin sa katinuan kaya may mga indibidwal na nagagamit lamang para magbenta ng droga, maliban pa umano sa madalas na alibi na dahil sa kahirapan ay nagagawa nila ito.
Pero kung tatanggapin umano ang ganitong rason at gagawing legal ang illegal, siguradong wala aniyang pupuntahang maganda ang sitwasyon ng isla dahil makakaepekto ito sa turismo ng Boracay.
No comments:
Post a Comment