Mga bata, matatanda, taga-Boracay, mga dayo, volunteers, at maging ang mga turista.
Ito ang mga inaasahang lalahok sa kasaysayang magaganap sa tinaguriang number one tourist destination sa Pilipinas.
Raratsada na kasi ang aktibidad sa isla na tatawaging “Boracay Holiday”, sa darating na unang araw ng Mayo.
Ito ang kinumpirma ni Boracay Island Administrator Glenn Sacapaño, sa panayam ng himpilang ito.
Kung saan, ang mga taga-mismong LGU Malay, business sector, Department of Education (DepEd) at mga taga-barangay, ay lalahok sa paglilinis sa Boracay, sa loob ng 18 araw na aktibidad.
Ang mga sektor umanong makikiisa dito ay may kanya-kanyang petsa at itinakdang lugar ng paglilinis.
Layunin umano ng nasabing aktibidad ay ang sama-samang pagpapanatili sa pagiging numero uno ng Boracay at mapangalagaan ito para sa susunod na henerasyon.
Ang mga taga-mainland Malay ay makikilahok din umano, kahit sabihing “Boracay Holiday” ang tawag sa nasabing gawain.
Kinumpirma din ni Sacapaño na ang “Boracay Holiday” ay bahagi ng Boracay Beach Management Program o BBMP na sumikat dahil sa mga slogan na “Sali Ako D’yan” at “Para Sa Boracay Ako, For Boracay I Will”.
Maliban pa sa ang nasabing aktibidad ay idineklara na ng Sangguniang Bayan ng Malay bilang holiday para sa isla, umaasa naman si Sacapaño na aaprubahan din ito ng kongreso.
Samantala, ipinaabot naman ng naturang administrador ang kanyang paanyaya sa lahat na sumali at makiisa sa darating na Mayo 1.
No comments:
Post a Comment