Nakatakdang pa-imbestigahan ng Local Government Unit (LGU) Malay ang kumpanya ng fast craft na Oyster Ferry na bumabiyahe dito sa isla ng Boracay.
Ayon kay Sangguniang Bayan ng Malay member at chairman on environmental protection Dante Pagsuguiron, patuloy ang kanilang pagmomonitor sa nasabing bangka na inirereklamo sa ngayon dahil sa pagtatapon ng kanilang sea waste sa karagatan ng Boracay na mahigpit na ipinagbabawal.
Tinalakay kahapon sa 16th SB Session ng Malay ang nasabing usapin na nauna nang ipinaabot ni SB Member Jupiter Gallenero, kung saan may mga natanggap siyang reklamo mula sa mga dispatchers din ng mga bangka na nakakita sa nasabing insidente noong nakaraang linggo.
Nagkaroon naman ng pagkakataon na makakuha ng ebidensya si Pagsuguiron, kung saan isang larawan ang ipinakita nito kahapon sa session bilang patunay na nagtatapon nga sila ng kanilang sea waste sa dagat.
Sa ngayon, patuloy ang kanilang pag-iimbestiga sa nasabing fast craft at magkakaroon sila ng kaukulang inspeksyon lalo pa at may ilang mga nakapagsabing diretso lamang sa dagat ang dumi ng mga pasahero.
Samantala, una nang sinabi ni Boracay DOT Officer in Charge Tim Ticar, na iimbestigahan din nila ang nabanggit na fast craft dahil sa nakakasira ito sa turismo ng isla ng Boracay at sa oras na mapatunayan din nila na lumabag sila sa nasabing batas ay magbibigay sila ng kaukulang parusa laban dito.
No comments:
Post a Comment