YES THE BEST 911 BORACAY

Monday, February 06, 2017

Tricycle Driver sa Boracay, nag-sauli ng pera sa pamamagitan ng YES FM

Posted February 6, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image may contain: 3 people, people standingNakuha na ng may-ari ang pera na nakita ng tapat na driver na nagkakahalaga ng mahigit P 25, 000 ngayong hapon sa himpilang ito.

Idinaan ni Wilfredo Zausa 48-anyos residente ng Sitio Balinghay Brgy. Yapak, Boracay ang pagsauli sa himpilang ng Yes FM matapos niyang mapulot sa kalsada ang pera kahapon habang siya ay namamasada.

Kwento ni Zausa, galing umano siyang Pinaungon sakay ang dalawang pasahero papuntang Balabag nang makita niya ang pera na nakalagay sa isang plastic.

Dahil dito, agad niyang dinala sa YES FM ang naturang pera at ipina-rekord kung saan agad naman itong inanunsyo ng himpilan at pinost sa facebook para ipagbigay alam kung kanino ang nawawalang pera.

Ang pera ay pagmamay-ari pala ng dating artistang si Martin Jickain na ngayon ay may negosyo dito sa isla ng Boracay.

Nabatid na galing si Jickain sa kanyang restaurant ng mahulog ito sa kanyang bulsa habang sakay ng golf cart.

Malaki naman ang pasasalamat ni Jickain na naisauli sa kanya ang pera kung saan una na nitong inakala na hindi na ito maibabalik sa kanya subalit ng makita ito sa facebook ay nagulat siya na meron pa palang magandang puso na magsasauli ng pera.

Nagkita ang dalawa sa himpilan kung saan bilang pasasalamat binigyan nito ng token si Zausa sa kanyang pagiging tapat.

Samantala, pina-alalahan naman ni Wilfredo ang kanyang kapwa driver o maging sino man ang makakita ng pera o gamit na hindi sa kanila ay ibalik ito sa may-ari o ipagbigay- alam sa mga kinauukulan.

No comments:

Post a Comment