YES THE BEST 911 BORACAY

Wednesday, January 09, 2013

Planong paglalagay ng SWAT para sa Boracay, naging paulit-ulit lang pero walang nangyari

Paulit-ulit ng pinag-uusapan ang balak at pangarap na pagkakaroon sana ng Special Weapons and Tactics Team o SWAT sa Boracay pero wala paring nangyayari.

Kaya nagsuhestiyon na si Vice Mayor Ceceron Cawaling sa mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Malay na kung maaari ay idiretso na sa National Head Quarters ng Pambansang Pulisya ang pagtugon usaping ito.

Ang pahayag na ito ni Cawaling ay kasunod ng balak ng SB na ipatawag ang hepe ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC).

Para tanungin sana kung may kakayahan ba ang pulis sa isla na protektahan ang mga turista at komunidad laban sa krimen gaya ng pag-aamok o pangho-hostage.

Sapagkat kung babalikan umano ang mga pangyayari, ilang ulit na ring binalak na bumuo ng SWAT na para sa Boracay, pero walang nangyayari dahil mahal ang mga gamit.

Ganoon pa man, umaaasa ang SB na kapag sineryoso umano siguro ang balak na pagkakaroon ng SWAT sa Boracay ay tutulong naman ang mga stakeholder.

Ayon sa mga konsehal, marami na kasi ang pangyayari sa bansa at maging sa ibang lugar ang naitala na walang habas na pinagpapatay lang ang mga inosenteng tao ng mga indibidwal na may problema sa pag-iisip o stress.

Gaya ng pangyayari kamakailan lamang sa Kawit, Cavite at ganon din ang nangyaring Hostage Crisis sa Quirino Grand Stand noong taong 2010.

Bunsod nito, inatasan ng Sanggunian si SB Member Jupiter Gallenero, Committee Chairman ng Public Safety, na pag-aralan ang mga bagay-bagay hinggil dito. #ecm012013

No comments:

Post a Comment