Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay
Aminado ang Aklan Police Provincial Office na mahihirapan
silang masawata ang pagpasok ng mga illegal na baril sa Boracay.
Lalo na at nagpapatupad ngayon ang Comelec ng gun ban,
dagdagan pa ng implementasyon ng Aklan Police ngayon na “Oplan Katok” para sa
mga loose firearms o expired na ang lisensiya at di pa rin nire-renew.
Ito ang sinabi ni Aklan Police Provincial Director P/S Supt.
Pedrito Escarilla, kung saan ang tinuturo nitong problema ay ang maluwag na implementasyon
ng “1-Entry, 1-Exit Policy” sa Boracay.
Sapagkat marami pa rin umanong pantalan at welcome center
ang mga resort, kaya mahirap sa bahagi ng Pulisya na i-monitor ang mga
pumapasok na illegal sa isla.
Ganoon pa man, pinasiguro nito na ang Kapulisan ay naririyan
lamang at ginagawa ang lahat para mahanapan ng paraan ang katulad ng problema.
Lalo na at masigasig naman umano ang Aklan Firearms,
Explosives, Security Agencies and Guards Section (FESAGS) sa pag-inspeksiyon sa
mga baril na ginagamit ng mga guwardiya sa Boracay.
Pero paglilinaw nito, na sa Boracay, ay alam naman umano na
ng mga awtoridad kung saan makikita o matatagpuan ang mga indibidwal na nagmamay-ari
ng mga baril na may pasong lisensiya para sa kanilang “Oplan Katok”.
Una ng sinabi ni PD na mahigit isang libo at limang daang
loose firearms sa Aklan ang target nilang ma-recover ngayon.
No comments:
Post a Comment