YES THE BEST 911 BORACAY

Thursday, May 23, 2013

Traysikel sa Boracay, sumemplang matapos maatrasan ng dump truck ng Manoc-manoc MRF; isang pasahero, patay!

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Hindi na nakahabol pa sa biyahe ng barko ang 16-anyos na dalagita matapos maaksidente ang sinasakyang traysikel kaninang umaga.

Pauwi na sana ng Mindoro ang biktimang si Gabrielle Salgado mula sa pagbabakasyon dito sa Boracay nang mangyari ang insidente.

Ayon kay PO1 R.C Magpusao ng Boracay PNP Station, parehong paakyat sa mataas na bahagi ng Sitio Ambulong, Manoc-manoc ang sinasakyang traysikel ng biktima at ang dump truck.

Nawalan umano ng kontrol ang drayber ng dump truck, dahilan upang dumausdos ito at bumangga sa nasabing traysikel.

Sinasabing sumusunod lang din ang dump truck sa isa pang traysikel nang mangyari ang insidente.

Samantala, ayon naman sa ilang residente doon, sinubukan pa sanang umiwas ng sinasakyang traysikel ng biktima sa dump truck, subalit tuluyan na itong nabangga at sumemplang, dahilan upang ang biktimang nakasakay sa likurang bahagi ng traysikel ay malubhang nasugatan sa ulo.

Naisugod pa sana sa ospital ang biktima subalit ideneklara naman itong “dead on arrival” (DOA) ni Dr. Emy Joy Grejaldo.

Patuloy namang iniimbistigahan ng mga otoridad ang mga nasangkot na mga drayber, na ngayon ay nasa kustodiya ng Boracay PNP.

Samantala, ayon pa sa mga kamag-anak ng biktima, nakatakda ding bumalik sa Maynila ang nasawing si Gabrielle upang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral doon.(

No comments:

Post a Comment