YES THE BEST 911 BORACAY

Tuesday, April 16, 2013

Provincial command ng FESAGS, magkakaroon na ng satellite office sa Boracay

Ni Bert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Ang land dispute sa Boracay na kadalasang kinasasangkutan ng mga sekyu ay maaari nang maaksyunan ng mas mabilis.

Maging ang pag-iinspeksyon sa mga guwardiya, at ang pagproseso ng kanilang mga kinakailangang dokumento ay maaari naring mapadali.

Ito’y dahil ang Firearms and Explosives, Security Agencies and Guards Sections o FESAGS ay magkakaroon na ng satellite office sa Boracay.

Sa panayam ng himpilang ito kay Boracay PNP Chief Police Senior Inspector Joeffer Cabural, sinabi nito na ang naturang opisina ay sa mismong Boracay Tourist Assistance Center o BTAC, na uupuan din mga itinalagang tao ng nasabing himpilan.

“Added function” o dagdag na trabaho na rin umano kasi ito ng BTAC na ipinag-utos ni PNP Regional Director Agrimero Cruz.

Ayon pa kay Cabural, nararapat lamang na may opisina na dito ang FESAGS para dito na rin mismo ang kontrol lalo na sa pag-inspeksyon ng mga guwardiya.

Mahirap umano kasi para sa kanila ang pag-inspekyon dahil wala silang otoridad para dito, maliban pa sa pagkontrol sa mga nasasangkot na guwardiya sa land dispute.

At dahil magkakaroon na nga ng satellite office ng FESAGS sa Boracay, na nakatakdang i-establisa sa darating na araw ng Miyerkules.

Naniniwala naman si Cabural na kung hindi man tuluyang mawala, ay mababawasan na rin ang matagal nang problema kaugnay sa agawan ng lupa sa Boracay.

Ang FESAGS ay ang isa pang dibisyon ng Philippine National Police na siyang may hawak sa mga institusyon, organisasyon, o mga aktibidad na may kaugnayan sa mga security operations.

No comments:

Post a Comment