YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, June 29, 2012

Koreano sa Boracay, ninakawan habang natutulog; suspek, kalaboso!


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Mag-ingat sa sobrang pag-inom ng alak. Dahil baka sa sobrang kalasingan, ika’y manakawan.

Ito ang sinapit ng bente nuebe anyos na Korean national, matapos manakawan noong madaling araw ng Hunyo 27 taong kasalukuyan, sa boat station 2 Balabag, Boracay.

Nabatid sa police report ng Boracay PNP, na isang lalaki ang napansin ng mga pumapatrolyang pulis doon ang nakatulog na sa dalampasigan at walang kasama.

Dahil sa mga insidente ng mga nakawan sa isla, minarapat umano ng mga ito na gisingin ang biktima, subali’t hindi ito nagising sa paniniwalang labis ang kalasingan ito.

Minarapat din umano ng mga ito na bantayan saglit ang naturang turista, hangga’t napansin ng mga ito ang isang lalaking lumapit at animo’y ginigising ang biktima.

Sa di kalayuan nama’y nasaksihan umano ng mga nagbabantay na pulis na tila ninanakawan na ng suspek ang Koreano at nagtangkang lumayo.

Kaagad hinuli ng mga pulis ang suspek na nakilalang si Efren Garcia y dela Cruz,ng Bakhaw, Jaro, Iloilo.

Narekober mula rito ang mga umano’y nakaw na gamit sa suspek kasama pa ang mahigit dalawang libong pisong pera ng biktima, at iba pang cellphone na pinaniniwalaang hindi naman pag-aari ng suspek.

Laking pasalamat ng nahimasmasang biktima nang maisuli ang mga ninakaw sa kanya, habang inamin naman ng suspek ang krimeng nagawa.

No comments:

Post a Comment