YES THE BEST 911 BORACAY

Thursday, July 18, 2013

Drilon umapela sa mga negosyante na tanggalin ang mga illegal na istraktura sa Boracay

Ni Alan Palma Sr., YES FM Boracay


Direktang umapela si Senador Franklin Drilon sa mga stakeholders sa Boracay na tanggalin ng mga ito ang mga illegal na istraktura na maaring makasira sa Isla.

Partikular na tinukoy ni Drilon ang mga strakturang pasok sa dalawampu’t limang metro mula sa dalampasigan.

Ginawa ng senador ang panawagan kasabay sa ginanap na pagtalaga ng mga bagong hanay ng opisyal ng BFI nitong nakaraang araw ng Sabado.

Sa kanyang talumpati, sinabi nitong ito lang di umano ang natatanging paraan para maisalba ang kagandahan ng Boracay para sa mga susunod pang henerasyon.

Samantala, ginawang halimbawa ni Drilon ang pagtanggal niya ng mga establisyemento sa Iloilo River dalawang taon na ang nakakalipas para maisalba ang nasabing ilog.

Kung saan, tahasan nitong sinambit na kung may “political will” ay walang problema na hindi kakayanin.

Sinabi din ng senador na lahat ay gagawin nito kasama na ang pakikipagtulungan sa BFI para maresolba ang ilang suliranin na kinakaharap ngayon ng Boracay.

1 comment: