Pages

Thursday, August 09, 2012

Pagpapa-unlad sa Tambisaan Port, hindi pa pwede sa ngayon


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Kahit ramdam ang hirap ng mga pasahero, turista man at lokal na mamayan ng Boracay at nakikita naman ang sitwasyon sa Tambisaan Port, hindi pa umano pwedeng ma-ayos sa ngayong ang Tambisaan Port sa  Manoc-manoc, ayon kay Municipal Economic Enterprise Development (MEED) Manager at Malay Administrator Godofredo Sadiasa.

Ito ay dahil kapag ipatupad umano ang pagsasa-ayos o konstraksiyon dito partikular ang paglalagay ng shade o silungan para sa mga pasahero, aasahang makaka-istorbo ito sa publiko na dumadaan sa nasabing pantalan.

Kaya hihintayin na lang umano na mailipat ang biyahe ng mga bangka pabalik sa rutang Caticlan at Cagban Port bago simulan ang konstraksiyon.

Pero nilinaw nito na imposibleng maipapatupad ang pagsasa-ayos na ito ngayong taon ng 2012 dahil sa ginagamit pa sa kasalukuyan ang Tambisaan Port at ayaw nila na maging sagabal ito sa mga pasahero, kaya hihintayin na lang nilang maging bakante ito.

Gayon pa man, inihayag nitong pinondohan na ng LGU Malay ang proyekto at tapos na ang bidding para sa gagawing pagpapa-unlad ng Tambisaan Port.

Kung mapapansin, ngayong madalas ang pag-ulan sa bansa lalo na dito sa Boracay, tila mga basang sisiw ang mga pasaherong naghihintay na makasampa sa bangka dahil sa walang masisilungan maliban sa maliit na ticket booth doon.

Ang mga pasahero namang kakababa lang ng bangka ay nakikipag-karerahan na lamang sa ulan, diretso sa nakaparadang tricycle sa labasan dahil sa maliit lamang at puno na ang silungan doon. 

No comments:

Post a Comment