Pages

Wednesday, March 28, 2018

Traysikel sa Boracay, phase-out na sa Septyembre

Posted March 27, 2018
Yes The Best Boracay NEWSHindi na masisilayan ang mga traysikel na mamamasada sa kakalsadahin ng Boracay sa pagsapit ng buwan ng Septyembre ngayong taon.

 Sa inilabas na Executive Order No. 007 ni Malay Mayor Ceciron Cawaling, nais nitong ipatupad ang istriktong pag-implementa ng mga polisiya sa E-trike Program ng Malay lalo na sa pagtangkilik at pamamahagi nito sa Boracay Land Transport and Multi-Purpose Cooperative o BLTMPC.

Maliban sa EO ay naglabas din ng Memorandum ang alkalde sa Transportation Regulation Officer na ipaalam sa lahat ng operator kung hanggang kelan na lang pahihintulutan ng lokal na pamahalaan na bumiyahe ang kanilang traysikel sa isla.
Nakasaad sa Executive Order na ang lahat ng franchise holder na bumili ng E-trike noong 2017 ay hanggang May 31,2018 na lang pwedeng pumasada ang kanilang unit ng traysikel.

Ang mga franchise holder naman na hindi pa bumili kabilang ang mga kumuha na ng E-trike ngayong 2018 ay papayagan pang bumiyahe ang unit ng traysikel hanggang August 31,2018.

Ang mangyayari, simula buwan ng Septyembre ay phase-out na ang lahat ng traysikel at puro E-trike na lang ang makikita sa mainroad ng Boracay.

 Ayon kay BLTMPC Operations Manager John Pineda, noong Sabado sa kanilang 14th General Assembly Meeting ay pinulong na nila ang kanilang miyembro at ipinaalam ang tungkol sa Executive Order ng alkalde.

Bagamat may ilang operator na ayaw pa ring kumuha ng E-trike, sa kabuuang 538 na franchise holder ay 245 dito ang may E-trike unit na.

Dagdag pa ni Pineda, nasa operator na kung alin sa limang E-trike supplier ang gusto nilang kausapin dahil nagpasiguro na sa kanya ang Bemac, Prozza, Tojo, Gerweiss, at Star 8 na kaya nilang mag supply ng unit bago mag Septyembre.

Bago nito, ayon kay Senior Transportation Regulations Officer Cezar Oczon, dapat noong 2013 pa ito ipinatupad subalit humaba ito at nagkaroon ng special permit sa extension.

Samantala, ang hakbang na ito ang nakikitang solusyon para mabawasan ang sikip ng trapiko sa Boracay at para mabawasan ang polusyon sa hangin.

No comments:

Post a Comment