Pages

Monday, September 25, 2017

Taong idineklarang missing sa Napaan, natagpuang bangkay sa Sambiray

Posted September 25, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Isa nang malamig na bangkay ng matagpuan ang isang lalaki matapos itong mawala sa kasagsagan ng malakas na ulan sa Barangay Napaan.

Halos inabot ng 24-oras bago matagpuan ang bangkay ni Jemuel Montoya y Laba, 32- anyos at residente ng Nagustan, Nabas pagkatapos mawala nitong Biyernes at matagpuang nakalutang ang kanyang katawan sa karagatan ng Barangay Sambiray sa bayan ng Malay.

Naunang nabalitang nawawala ito matapos kumpirmahin ng opisina ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) pagkatapos magsumbong ang kasamahan nitong nawawala ang kanyang kaibigan habang sila ay papatawid sa ilog.

Sa panayam kay PO2 Gerald Ilig ng Malay PNP na sa kanila umanong imbestigasyon, nagpahayag ang katrabaho ng biktima na magpapakain sana sila ng inaalagaang baboy ng naabutan rumaragasang tubig ulan sa ilog dahilan para sila ay bumalik ng kanilang barracks.

Ayon pa sa kaibigan ng biktima, nilangoy nila patawid habang malakas ang agos ng tubig subalit sa kaniyang pag-ahon ay hindi na niya nakita si Montoya.

Noong una inakala ng kaibigan ni Montoya na gumawa ito ng ibang paraan para makabalik subalit lumipas ang oras ay walang indikasyon na ito ay bumalik sa pangpang.

Dahil dito, nagpursige na ito na i-report ang insidente sa Barangay at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Malay para mahanap si Montoya.

Kinaumagahan, matapos ang isang araw na paghahanap sa biktima nakita ng mga tanod ang katawan nito na palutang-lutang na sa karagatan ng Sambiray Port.

Agad nila itong ini-report sa mga kina-uukulan at ipinaalam sa mga kaanak ang sinapit ng biktima.


No comments:

Post a Comment