Pages

Thursday, September 28, 2017

Mga natirang Residual Waste sa MRF Balabag, hindi pa nahahakot

Posted September 28, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Idinulog ni Balabag Punong Barangay Lilibeth SacapaƱo sa Sangguniang Bayan ng Malay ang kanyang pagkabahala sa natitirang residual waste sa kanyang lugar na hindi pa nahahakot.

Sa pamamagitan ng sulat, idinaan ng kapitana kay Sangguniang Bayan Member Dante Pagsuguiron ang kanyang suliranin para matalakay sa plenaryo ng SB at mabigyang linaw kung ano ang mga dahilan kung bakit ito nangyari.

Sa pagtatanong ng mga konsehal, ayon kay Bids and Award Committee Chairman at MPDC Head Alma Belejerdo, dumaan sa bidding at na-aprobahan ang budget na mahigit P 8 Million para sa dalawang lote na may estimated 11,000 cubic meter na residual waste.

Nahinto raw ang paghahakot ng nanalong bidder na JCV Lines ni Vidal Villaruz dahil umano sa nahakot na nila ang volume na dapat hakutin.

Ani Belejerdo, hindi pa nababayaran ang contractor dahil sa problemang ito na hindi tinapos ang paghakot kahit na lumalabas na namali ng estimate si Engr. Solano sa kabuuang volume ng basura kaya humantong sa paghinto ng paghahakot.

Apela ngayon ni SacapaƱo, dapat ubusin na ang paghakot ng basura dahil may inaprobahang kontrata.

Sa opinyon naman ni SB Pagsuguiron, nagkaroon daw ng double budgeting dahil ang mga hinakot ay sa ManocManoc lang dinala at iba naman ang humakot mula ManocManoc papuntang landfill.

Sa paglilinaw ni Solid Waste Manager Otic Macavinta, wala pa siya sa solid waste ng mangyari ang kontrata at kung sa paghahakot naman ng basura mula Balabag papuntang ManocManoc, dinahilan nito na hindi kayang pumasok ng malalaking truck sa naturang lugar kaya magkahiwalay ang ginagawang trip ng mga haulers.

Samantala, dahil sa pera ng bayan ang ginamit sa mga kontrata at ibinayad sa mga contractor, suhestyon ni SB Gallenero na mag usap-usap na lang ang mga involve na contractor kung sa papaanong paraan mahakot ang natirang basura sa MRF Balabag.

No comments:

Post a Comment