Pages

Wednesday, November 19, 2014

Ibat-ibang problema sa operasyon ng E-trike sa Boracay pag-uusapan ng LGU Malay

Posted November 19, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Tila nalilito parin sa ngayon ang ilang operator ng tricycle unit sa Boracay tungkol sa pagpasok ng Electric Tricycle (E-trike) sa isla.

Ito’y dahil hindi parin malinaw sa kanila kung ano ang kasunduan sa pagitan ng Lokal na Pamahalaan ng Malay at sa supplier ng e-trike na papalit sa mga tricycle unit sa Boracay.

Nabatid na isang pagpupulong ang itinakda ng LGU Malay sa darating na Disyembre 2 para pag-usapan ang tungkol sa operasyon nito sa isla at kung hanggang kaylan tuluyang papalitan ng e-trike ang mga tricycle sa Boracay.

Sa kabilang banda ilang operator ng tricycle at mga gustong mag-avail ng e-trike ang lumapit sa Sangguniang Bayan ng Malay kahapon para bigyan sila ng kasagutan tungkol sa kanilang mga katanungan at sa kanilang napipintong operasyon sa isla.

Napag-alaman na nais din ng mga ito na makakuha ng electric tricycle matapos ang operasyon ng kanilang mga tricycle sa Boracay ngunit sa ngayon umano ay wala pang sapat na suplay ng nasabing sasakyan ang supplier at mataas din halaga nito.

Samantala, ang electric tricycle ay ang papalit sa mga tricycle unit sa Boracay dahil sa pagiging eco friendly nito at dagdag atrakasyon sa isla ng Boracay habang ang mga tricycle ay tuluyan ng aalisin at inaasahang itatawid sa mainland Malay.

No comments:

Post a Comment