Pages

Wednesday, November 19, 2014

Medical result ng turistang naaksidente sa Ariel’s Point, nitong Linggo, hinihintay pa ng PCG

Posted November 19, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Hinihintay pa ng PCG o Philippine Coastguard ang medical result ng dalawang turistang naaksidente sa Ariel’s Point nitong Linggo.

Ayon sa PCG, nagkaareglo na ang mga biktima at ang pamunuan ng nasabing dive site.

Kinilala ng PCG Boracay ang isa sa mga biktimang Australiano na si Christian Czaplock, 25 anyos at residente ng Olongapo City, at isa pang Pilipinong turista.

Base sa imbistigasyong nakalap ng himpilang ito, naaksidente ang dalawa matapos tumalon mula sa 15 talampakang diving board.

Kaagad namang isinugod sa isang pagamutan sa Boracay ang dalawa matapos dumaing ng pananakit ng likod at braso.

Samantala, bagama’t tumangging magbigay ng iba pang detalye sa insidente, iginiit naman ng pamunuan ng Ariel’s Point na minor injury lamang ang tinamo ng mga biktima.

Natural lamang din umano na makakaramdam ang mga ito ng pananakit ng likod lalo pa kapag mali ang pagbagsak sa tubig.

Nabatid na kaagad dumaing ng sakit sa likod ang Australianong biktima habang nagtamo naman ng pinsala sa kaliwang braso ang isa pang hindi na pinangalanang biktima.

No comments:

Post a Comment