Pages

Thursday, July 10, 2014

Pagkakaroon ng Aklan ng dalawang distrito, minamadali na ng SP

Posted July 10, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang mga myembro ng Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan na mahati ang probinsya ng Aklan sa dalawang distrito.

Sa resolusyon na ini-akda ni SP Member Emmanuel Soviet Russia Dela Cruz, desidido itong ipaabot ang sentimyento ng mga Aklanon na gawing “two legislative district” ang probinsya.

Ayon kay Dela Cruz, matagal nang kwalipikado ang Aklan para gawin itong dalawang distrito.

Base kasi sa pinakahuling census ng National Statistics Office (NSO), nabatid na mahigit kalahating milyon na ang populasyon sa Aklan.

Kung maaalala, nakapasa na sa House of Representative ang panukalang ito ni dating Aklan Congressman Florencio Miraflores sa pamamagitan ng House Bill No. 3860.

Nabatid na hinihintay nalang sana ang pag-aproba ng Senado, subalit sumablay nitong nagdaang buwan ng Agosto 2013.

Samantala, sakaling maipasa at maging dalawang distrito, hahatiin umano ang Aklan sa Western at Eastern District, kung saan bubuuin ang Eastern District ng Kalibo, New Washington, Banga, Balete, Altavas, Batan, Libacao at Madalag.

Mapapabilang naman sa Western District ang Ibajay, Buruanga, Nabas, Tangalan, Makato, Lezo, Malinao, Numancia at bayan ng Malay kung saan makikita ang Boracay.

No comments:

Post a Comment