Pages

Thursday, June 05, 2014

MHO nagpaalala hinggil sa pagtaas ng kaso ng teenage pregnancy sa Boracay

Posted June 5, 2014
Ni Alan Palma Sr., YES FM Boracay

Abala ngayon sa pagbibigay ng wastong kaalaman hinggil sa pagbubuntis ang Municipal Health Office ng Malay.

Ito’y bilang bahagi ng kanilang kampanya para sa Safe Motherhood at Responsible Parenthood.

Isa kasi ang Boracay sa nakitaan ng malaking bilang ng kaso ng teenage pregnancy nitong nakaraang taon.

Base sa lumabas na datos ng MHO, umabot sa mahigit dalawang daan ang mga menor de edad na nasa edad 15-19 na taong gulang ang nabuntis, isang daan dito ay mula sa Baranggay Manoc-manoc, higit pitumpo naman sa Balabag at higit tatlumpo naman ang sa Barangay Yapak.

Ayon kay Health and Educational Promotion Officer Arbie Aspiras, ilan sa mga rason ng maagang pagbubuntis ng kabataan ay ang kakulangan sa gabay ng magulang at estado ng pamumuhay.

Hinihikayat naman ng MHO ang mga kabataang buntis na bumisita sa Health Center para mabigyan ng tamang gabay dahil ang lahat ng nagdadalang-tao ay delikado.

Bagamat ang ilan ay nahihiya, ayon kay Aspiras, dapat isaalang-alang ang buhay ng sanggol sa sinapupunan at ang kalusugan ng ina .

Ang Safe Motherhood at Responsible Parenhood ay isa sa mga adbokasiya ng Department of Health kung saan kasama sa probisyon ng kontrobersyal na RH Law na kinatigan ng Korte Suprema nitong April 8, 2014.

No comments:

Post a Comment