Pages

Monday, May 05, 2014

Mga turistang nagreklamo sa mga taga TREU nitong Sabado, hindi pa nakapagpadala ng kopya ng complaint letter

Posted May 5, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Hindi pa nakapagpadala ng kopya ng complaint letter ang mga turistang nagreklamo sa mga taga TREU nitong Sabado.

Ito ang kinumpirma ni TREU o Tourism Regulations Enforcement Unit Head Wilson Enriquez kaugnay sa nangyaring komosyon sa pagitan ng mga nasabing bakasyunista at ilang miyembro ng TREU.

Nangyari kasi ang insidente nitong Sabado matapos umanong insultuhin at sakalin ng mga taga TREU ang isa sa mga nagreklamong turista, bagay na nagpang-abot ang mga ito sa himpilan ng Boracay PNP.

Ayon sa report, sinita ng mga taga TREU ang grupo ng umano’y sinakal na si Shree Bañas, 25 anyos ng Villa, Iloilo dahil sa kanilang pagtapon ng upos ng sigarilyo habang bumibili ng halo-halo sa station 3.

Pinolot umano ng tiyuhin ng biktima ang upos at itinapon, subali’t ininsulto pa umano sila ng mga taga TREU habang ibinibida ang kanilang uniporme, at saka umalis.

Magpapaliwanag umano sana ang mga nagrereklamong turista, subali’t nauwi sa komosyon ang eksena nang sinakal na ng taga TREU si Bañas, bagay na itinanggi naman ng mga nasabing law enforcers.

Samantala, hinimok naman ni Enriquez ang mga turista na magsampa ng kaso, kasabay ng pagpapasigurong hindi nito kokonsintihin ang anumang kamalian ng kanilang mga tauhan.

No comments:

Post a Comment