Pages

Thursday, February 13, 2014

Mga traysikel driver na overloading ng mga turistang pasahero, hindi kokonsintehen ng MTO

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Hindi umano kokonsintehen ng Malay Transportation Office (MTO) ang mga nag-o-over loading na tricycle driver sa Boracay.

Ito ang sinabi ni MTO Senior Transportation Regulation Officer Cesar Oczon Jr. matapos mabatid na may mga traysikel driver dito ang hindi sumusunod sa tamang bilang ng mga pasahero.

Kapansin-pansin kasi kung minsan sa gabi na may mga pasaherong turista na sa bubong na ng traysikel sumasakay o di kaya’y kusang sumasabit kahit na delikado.

At dahil kadalasang chartered ng mga turistang ito ang traysikel, ay tila hinahayaan lamang nila ang kagustuhan ng mga pasahero na sa isang traysikel lamang sila sumakay kahit over loaded na at delikado.

Kaugnay nito, iginiit ni Oczon na hanggang anim lang dapat ang pasahero ng isang traysikel base sa nakasaad sa ordinansa.

Kaya’t charter man umano ito o hindi, kailangang sabihin ng mga drayber sa kanilang mga pasahero kung ilan lang ang pwedeng maging pasahero nila.

Samantala, apela naman ni Oczon sa mga drayber na makipag-cooperate nalang sa kanilang tanggapan para na rin sa seguridad ng mga turista.

Nakatakda rin umano itong makipagpulong kay DOT Officer In Charge Tim Ticar hinggil sa mga problema sa transportasyon sa isla.

No comments:

Post a Comment