Pages

Tuesday, July 02, 2013

Suspek na umano’y hindi nakabayad sa tinutuluyang resort sa Boracay, aminadong humihingi ng donasyon para sa UNICEF

Ni Malbert Dalida, YES FM Boracay

Inamin ngayon ni David Kohl, suspek sa kasong estafa at swindling sa Boracay, ang panghihingi nito ng donasyon para sa UNICEF o United Nations International Children's Emergency Fund.

Sa eksklusibong panayam ng himpilang ito kay Kohl, sinabi nito na sila ang taga-marketing department ng UNICEF at may permit din umano silang pinanghahawakan mula sa Kalibo at Malay.

Magkaganoon pa man, nasa Maynila na ang iba niyang kasama at siya ang naiwan dito sa Boracay.

Ang siste, mag-isa ito ngayong nasa kostodiya ng Boracay PNP matapos ireklamo ng dalawang resort ng estafa dahil sa umao’y hindi ito nakabayad sa kanyang mga obligasyon.

Iginiit pa ni Kohl na ang kanyang bayarin sa unang nagreklamong resort na mahigit animnapung libo ay naayos na.

Aminido naman itong binigyan siya ng pagkakataong makabayad ng ikalawang nagrereklamong resort.

Sinabi pa ng suspek na hindi lang ang mga ito nakapaghintay kung kaya’t nauwi sa kanyang pagkaka-detine sa Boracay PNP ang pangyayari.

Samantala, ayon naman sa Officer on case na si PO1 Jessie Lauz, sesidido umano ang isa sa dalawang resort na sampahan ng kasong estafa at swindling ang nasabing suspek na taga Batangas street, Manila.


Nabatid na tumuloy ito sa isang resort sa Boracay nitong nagdaang Pebrero 20 hanggang ikalawa ng Marso taong kasalukuyan at hindi umano nito nabayaran pati ang kanyang restaurant bills at cell phone loads doon.

No comments:

Post a Comment