Pages

Saturday, April 27, 2013

Comelec Aklan may paalala sa mga kandidato

Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Ngayon pa lang ay dapat na sumunod na umano ang mga kandidato sa patakaran ng Comelec lalo na sa pagsabit at paglalagay ng mga poster o campaign paraphernalia nila.

Ito ang paalala ng Commission on Election Aklan, dahil aminado ito na pagkatapos ng halalan ay tila hindi na papansinin pa mga kandidatong ito ang mga basura o mga poster na ikinabit nila katulad noong mga nagdaang halalan, lalo na umano ang mga talong kandidato.

Kaya paalala ng kumisyon, magkabit o maglagay lamang ng mga poster sa common poster area upang hindi ito maging basura sa mata matapos ang election lalo na dito sa isla ng Boracay.

Sa panayam kay Jetulio Esto ng Comelec Aklan, obligasyon umano ng mga kandidatong ito na sila na ang magbaklas ng kanilang mga poster, o kaya ay sila na umano ang gumastos para maligpit ito pagkatapos ng election.

Dahil noon pa man umanong nag-file ng Certificate of Candidacy, ay pina-alalahanan na ng komisyon ang mga kandidato sa kanilang mga obligasyon.

Sa oras umano na hindi tumalima ang mga pulitikong ito, sinumang indibidwal na may malasakit sa kapaligiran ay maaaring magreklamo laban sa mga ito.

Sa panig naman umano ng Comelec, papadalhan nila ng sulat ang mga may-ari ng poster upang ipatanggal na ang mga ito, at maaaring masampahan ng kaso ang ayaw pa talagang tumalima sa kautusang ito.

No comments:

Post a Comment