Pages

Monday, March 18, 2013

Tour guide at coordinator sa Boracay, timbog sa isang buy-bust operation

Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Hindi sukat akalain ng isang tour guide at isang coordinator sa Boracay na posas ang magiging kapalit ng kanilang ibinibenta.

Ito’y matapos matimbog ang mga ito sa isang buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng Boracay PNP,  Aklan Police Provincial Safety Company at Police Intelligence Operatives nitong nagdaang Sabado ng gabi sa Sitio Tulubhan, Manoc-manoc.

Naging hudyat sa pagkakatimbog ng mga ito ang isang pot session sa kuwarto ng mismong police asset, matapos nilang tanggapin ang bayad para sa umano’y ibinibenta nilang droga.

Sa police report, nakilala ang mga suspek na si Erwin Martinez, trenta’y kuwatro anyos na coordinator ng New Washington, Aklan at Roberto Baculinao, bente siyete anyos na tour guide ng Dao, Capiz, at pawang mga residente ng barangay Manoc-manoc, Boracay.

Narekober mula sa mga suspek ang tatlong heat-sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu, mga marked money, wallet na naglalaman ng ID ni Erwin Martinez, kasama ang isa pang heat sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu residue.

Kasama pa rito ang isang wallet na naglalaman ng Kabayan Action Group ID at Kabayan Action Group badge ni Roberto Baculinao, pera at dalawang cellphone.

Maliban dito, narekober din at nakompiska ang ilang drug paraphernalia katulad ng aluminum foil na naglalaman ng hinihinalang shabu, improvised tooter, dalawang disposable lighter at ballpen, na umano’y ginamit ng mga ito sa pot session.

Pansamantala namang ikinustodiya sa Boracay PNP ang mga suspek, na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165, o paglabag sa batas laban sa ipinagbabawal na droga.

No comments:

Post a Comment