Pages

Friday, March 22, 2013

Isang buwang pagkamatay ng pinaslang na Ati Community spokesperson, ginunita sa paraan ng prayer rally

Ni Peach Ledesma, YES FM Boracay


Isang prayer rally ang inilarga kaninang hapon upang gunitain ang unang buwan ng pagkamatay ni Ati Community Spokesperson na si Dexter Condez.

Bandang alas-4:30 ay nasilayan na sa area ng Ambulong, Manoc-manoc ang mga nakiisa sa prayer rally na inorganisa ng Boracay Parish Pastoral Council.

Ilang karatula at tarpaulin ang tangan ng mga sumama sa prayer rally na nakalagay ang kanilang pag-suporta sa Ati Community at pag-hingi ng katarungan para kay Condez.

Ayon kay Dominique Ofong, volunteer ng Our Lady of Holy Rosary Parish Church Ati Mission, ilan sa mga sumama sa prayer rally ay mga miyembro ng Simbahang Katolika sa Boracay, Daughters of Charity, ilang mga indibidwal, mga kaibigan, kamag-anak at mga kakilala ng pinaslang na Ati spokesperson.

“Station of the Cross” ang tema ng naturang prayer rally na nagtapos sa Our Lady of Holy Rosary Parish Church sa Brgy. Balabag.

Dito ay magkakaroon ng closing prayer na susundan naman ng maikling programa kung saan mayroon ding mga magbibigay ng kanilang mga mensahe.

Sinabi din ni Ofong na ang isinagawang prayer rally ay paraan na rin ng pagpapakita ng Simbahan ng kanilang simpatya at pakiki-isa sa layunin ng mga katutubong Ati sa isla ng Boracay na pag-hingi ng katarungan para sa pinaslang na si Condez.

Matatandaang ang 26-anyos na si Condez ay pinagbabaril noong Pebrero a-22 taong kasalukuyan, isang buwan na ang nakakaraan, malapit sa kanilang village sa Sitio Lugutan, Manoc-manoc habang siya ay papauwi mula sa isang pulong.

No comments:

Post a Comment