Pages

Friday, March 22, 2013

BIWC, muling ipapatawag ng SB

Ni Peach Ledesma, YES FM Boracay

Kailangang muling pag-usapan ang disenyo ng gutter, estado ng paghuhukay at pipe laying ng Boracay Island Water Company Inc. (BIWC).

Ito ang usaping binuksan ni SB Member Dante Pagsuguiron sa sesyon nitong Martes kaugnay sa tila hindi pa umano natutugunang pagpapatawag ng SB sa representative at contractor ng ginagawang paghuhukay ng BIWC.

Ito’y upang linawin ang estado ng ginagawang paghuhukay ng water company sa Boracay at kung ano ang magiging disenyo ng mga gutter.

Kung kaya’t nag-suhestiyon si Pagsuguiron na imbitahang muli ang mga ito sa sesyon ng SB.

Ngunit ayon kay SB Rowen Aguirre, mas maganda umanong sa isang committee hearing na lang pag-usapan ang bagay na ito.

Mas mapag-uusapan umano ito kapag idinaan sa isang komitiba upang mas magiging malapit sa negosasyon kaysa sa question hour ng lingguhang SB session.

Dahil dito, ibinigay sa Committee on Infrastructure ang nasabing bagay upang mapag-usapan, na nakatakda naman ngayong hapon sa Boracay Action Center.

Nag-mungkahi din si Aguirre na dahil pag-uusapan din ang tungkol sa disenyo ng gutter, ay mas magandang imbitahan na rin ang kinatawan ng Malay Transportation Office at upang matanong tungkol sa loading bay project.

Napag-alamang isinuhestiyon na dati ng SB sa BIWC na magkaroon ng portion sa gutter na maaaring sampahan ng mga sasakyan lalo na sa pagpapasakay at pagpapa-baba ng mga pasahero.

No comments:

Post a Comment