Pages

Friday, October 26, 2012

Mga komisyuner sa front beach, inireklamong nangha-“harass” na naman

Nangako ang hepe ng Municipal Auxiliary Police (MAP) sa Boracay na agad nitong a-aksiyunan ang reklamo kaugnay sa pangha-“harass” at pag-“ambush” ng mga komisyuner sa ilang turista sa front beach nitong umaga.

Ito ay kasunod ng reklamong ipinaabot sa himpilang ito ni Jonathan Escobar na isang empleyado sa isla at nabiktima di umano ng mga komisyuner gayon din ang mga kamag-anak nitong nagbabakasyon sa Boracay.

Sa reklamo ni Escobar, labis-labis na inis umano ang naramdam nila nitong umaga sapagkat, hinarang-harang pa sila habang naglalakad para alukin ng sea sports activities.

Maliban dito, isa pa sa kaniyang kamag-anak ay ginising ng isang komisyuner habang nagsa-sun bathing para alukin lamang ng kung anu-anong aktibidad.

Dahil dito, agad aniyang pagagalawin ni Rommel Salsona, hepe ng MAP sa isla, ang kaniyang nasasakupang tao para aksiyunan ang reklamong ito.

Ayon pa sa hepe, dapat ay nasa vegetation area lamang ang mga komisyuner at hindi na kailangan mang-harang at mag-harass ng mga turista.

Sa kasalukuyan din aniya, sa Station 1 at 3 lamang umano pinapahintulutan ang mga ito, dahil ipinagbabawal sa ngayon ang mga komisyuner sa Station 2.

Kung maaalala, madalas na lang mga komisyuner na ito ay nirereklamo ng mga resort owner lalo na ng mga turista dahil sa katulad na gawain, na di umano ay nang-i-istorbo sa mga nais mag-relax na bisita sa front beach. #ecm102012

No comments:

Post a Comment