Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay
Bagamat may mga bagay pang dapat plantsahin at kailangang
resolbahin ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at
Department of Public Works and High Ways (DPWH) kaugnay sa isyu ng Circumferential
Road sa isla ng Boracay, inihayag ni Engr. Abraham Villareal, OIC District
Engineer ng DPWH-Aklan, na nakatanggap na ng paabiso sa paraan ng Notice to
Proceed ang DPHW para ituloy ang kontraksiyon ng kalsadang ito sa isla.
Kung maaalala, pansamantalang ipinatigil ng DENR Regional
Office ang proyektong ito ng DPWH Regional Office-6 dahil sa may ilang bahagi
ng protected area ng isla ang nasira o sinira nang ipatupad ang proyekto
circumferential road.
Pero sa ngayon ayon kay Villareal, muling itinuloy ang
konstraksiyon ng proyekto pero sa mga piling area lamang.
Aniya, iniwasan munang galawin ang mga nasa kritikal na
bahagi ng proyekto hanggang sa mareresolba na ang problema sa gitna ng dalawang
ahensiyang ito.
Sa usapin naman kaugnay sa road right of way o dadaanan ng
proyekto sa back beach particular sa Bolabog area, aminado si Villareal na sa
kasalukuyan ay hindi pa ito lubusang nasusulusyunan.
Matatandaang, naging kontrobersiyal ang proyektong ito nang
tambakan ang bahagi ng lawa sa Balabag upang maging bahagi ng kalsadang
ginagawa, gayon din ang pagdaan ng proyekto sa beach line ng Bolabog at may
ilang lot owner o claimants ang ayaw ding magbigay daan para sa proyekto.
No comments:
Post a Comment