YES THE BEST 911 BORACAY

Thursday, July 19, 2012

Mga sirang access road sa bayan ng Malay, ipinaalala ni Vice mayor Cawaling sa konseho


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Dahil sa tila masyado nang nabaling ang atensyon ng mga elected officials ng Malay sa mga problema sa Boracay, nagpaalala ngayon si vice mayor Cesiron Cawaling sa mga komitiba ng konseho na bigyang pansin naman ang mga problema sa bayan ng Malay.

Partikular na tinumbok nito ang mga sira nang access road sa mga barangay katulad ng sa sitio Bacolod at Malamig.

Nakita kasi umano ni Cawaling sa kanyang pagpunta doon na delikado at halos nawawala na ang kalsada sa naturang lugar, dahil sa nawa-wash out o naaanod ng ulan ang lupa.

At sa paniniwalang marami na ring mga turista ang pumupunta doon, hinimok ngayon ng bise alkalde ang committee on tourism, committee on public works and highways maging ang committee on barangay affairs na tingnan naman ang kondisyon ng nasabing lugar.

Hinimok din ni Cawaling ang konseho na laanan ng budget ang pagpapalagay ng graba at pagsasayos muli ng naturang kalsada.

Nangako naman ang konseho na kanilang bibigyang pansin ang inilatag nitong problema, matapos magpasalamat ng mga ito sa kanyang naging paalala nitong nagdaang Martes sa sesyon. 

No comments:

Post a Comment