Pages

Thursday, July 19, 2012

Istandard para sa mga motorcycle helmets, isinusulong ng DTI


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Ang motorcycle helmet mo ba ngayon ay ligtas gamitin? Walang bawas? Walang gasgas? O ito ba’y lisensyado at may ICC sticker ng Bureau of Product Standards? 

Kung wala pa, para sa’yo ang balitang ito:

Ang DTI o Department of Trade and Industry-Aklan ay nagpalabas ngayon ng panawagan at paalala sa publiko tungkol sa paggamit ng standard protective motorcycle helmets.

Base kasi sa Republic Act No. 10054 o Motorcycle Helmet Act of 2009, ang lahat ng mga gumagamit o sumasakay sa motorsiklo ay dapat magsuot ng helmet na naaayon sa istandard.

Kung kaya’t iginigiit ngayon ng DTI na ang mga helmet na isusuot ng mga motorista ay yaong may ICC o PS stickers.

Huhulihin kasi ng mga taga LTO o Land Transportation Office ang mga motoristang walang sticker ng BPS o Bureau of Product Standard.

Nararapat lamang ayon sa DTI na dalhin at ipa-check ng mga motorista sa kanila ang ginagamit nilang helmet upang masuri kung ito ba’y buo pa, walang gasgas, ligtas gamitin at nakapasa sa standard.

At sa mga walang ICC sticker, maaaring maghanda lamang ng I.D, isangdaang pisong processing fee at uno bente singko sentimos para sa sticker.

Ang tanggapan ng DTI ay matatagpuan sa JSM Bldg., Veterans Avenue, Kalibo, Aklan para sa karagdagang katanungan.

No comments:

Post a Comment