Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay
Itinuturing na pinakaseryosong problema ng Boracay
Foundation Incorporated (BFI) sa isla ang suliranin sa drainage system, mas
seryoso pa sa usaping reklamasyon.
Ito ang laman ng talumpati
ni BFI Board Chairman Henry Chusuey sa isinagawang ikalawang bahagi ng General
Membership Meeting ng Foundation ngayong taon na ginanap nitong Sabado ika-30
ng Hunyo.
Matapos nitong ilatag ang seryosong pagkontra ng BFI sa reklamasyon
sa Caticlan dahil sa epektong dala sa kapaligiran, na bandang huli ay
napagtanto na pagbigyan ang 2.6 hektar na pagtatambak at mga aksiyong ginawa
nila kaugnay sa proyekto, ay inilantad nito ang suliranin ng mga stakeholders
sa Boracay may kinalaman sa matagal at hanggang sa ngayon ay wala paring
sulosyong pagbaha sapagkat maltratado ang drainage sa isla.
Sa harap ni Aklan Congressman Florencio Joeben Miraflores at
Atty. Marites Alvares representante ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority/TIEZA na dumalo din sa nasabing okasyon, ibinuking
ni Chusuey na dahil sa kawalan ng drainage dito, ang ginagawa ng ilang resort ay
pina-pump ang tubig ulan papuntang beach, kaya nababahala ito na ang dumi ay
nahahalo din sa tubig ulan gayon din ang mga latak katulad ng itim na buhangin.
Bunsod nito, nag-aalala umano sila
na baka sa susunod na mga araw ay masira na ang mapuputing buhangin ng Boracay.
Dahil dito ay nagsumamo ito sa
TIEZA na madaliin na ang pagpapagawa sa drainage na ito.
Samantala, umapela din ang nasabing
Chairman kay Miraflores na kung pwede ay bigyan din ng pondo para maaayos ang
ilang inprastraktura dito sa Boracay mula sa kaniyang Pork Barrel, at gayong ang
kongresista naman ang Chairman ng Committee on Tourism.
No comments:
Post a Comment