Pages

Tuesday, April 17, 2012

Mga empleyado ng resort sa Boracay, hiniling na sanayin sa pagsugpo ng sunog


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Aminado ang Sangguniang Bayan ng Malay na kulang parin sa pagsasanay ang mga empleyado sa mga resort sa Boracay pagdating sa pagsugpo ng sunog.

Bunsod nito, nagmosyon at nagkasundo ang halos lahat ng miyembro ng Sangguniang Bayan ng Malay na dapat magkaroon ng kahit dalawang empleyado ang bawat resort/hotel sa Boracay na sumailalim sa pagsasanay hinggil sa tamang pag-aksiyon kung may sunog.

Dahil dito, iminungkahi noong nakaraang sesyon na sana kahit dalawa sa mga regular na empleyado ng establishemento na ito ay dumaan sa training upang hindi magpanic at malaman ng mga ito ang dapat gawin para sa  kaligtasan ng nga turista.

Paliwanag pa ng mga konsehal, mas mainam na regular na empleyado na agad ang ipa-training upang siguradong magtatagal na ito sa nasabing establishemento at hindi yaong buwan buwan ay magpapasanay sila ng empleyado kung umalis ang na-training na.

Samantala, dahil sa nakita ng konseho na kailangan na ito sa isla, sa halip na pumasa pa ng resulosyon, hihilingin nalang umano nila sa Punong Ehikutibo na idaan ito sa Executive Order ng Alkalde upang ano mang oras ay pwede na itong maipatupad.

Ang katulad na suhistyon ng konseho ay nag-ugat sa obserbasyon ng SB Member Rowen Aguirre sa nangyaring pagkasunog ng generator set ng isang resort sa Station 1, kung saan napansin umano nito sa mga empleyado doon na tila hindi alam ang kanilang gagawin o uunahin. 

No comments:

Post a Comment