Pages

Saturday, March 07, 2020

Pangulong Duterte nakatakdang pumunta sa isla, Certificate of Land Ownership Award ipapamahagi sa mga tumandok

Posted March 5, 2020
Inna Carol Zambrona, NEWS DEPARTMENT

Nakatakdang bumisita si Pangulong Rodrigo Duterte sa isla ng Boracay sa susunod na linggo, Marso 12.
Ito ang sinabi ni Tourism Secretary Bernadette Romula-Puyat sa isang media briefing kahapon.

Ani Puyat, ito ang unang beses na babalik ang pangulo matapos isara ang Boracay noong 2018.

Sa panayam naman kay Natividad Bernardino, General Manager ng Boracay Inter-Agency Rehabilitation Management Group BIARMG, sinabi nito na bukas ay magpupulong sila para pag-usapan ang pagdating ng pangulo.

Ani Bernardino, isa sa mga agenda ni Duterte ay ang pagbibigay ng second batch ng mga tatanggap ng Certificate of Land Ownership Award o CLOA sa wetland number 6 sa Sitio Tulubhan Manocmanoc.
Nasa tatlumpo hanggang tatlumpot-isa umano ang bibigyan ng titulo na mga tumandok ayon kay Bernardino.

Kung matatandaan, hindi muna pinaalis ang mga tumandok na Boracaynon sa naturang lugar hangga’t hindi naibibigay ang lupang para sa kanila maliban sa mga nangungupahan doon.

Nabatid na bago nito ay naibigay na ang unang batch ng CLOA sa 44 na mga katutubong Ati sa isla noong Nobyembre 2018.

Ang Boracay ang unang tourist destination na bibisitahin ng Pangulo kung saan layunin nitong mapuntahan lahat ng tourist spot sa bansa para i-promote.

Inaasahan din sa pagbisita ng pangulo ay aalamin din nito ang updates sa mga infrastructure projects ng DPWH at TIEZA lalo na ang drainage system.

1 comment: